Bicol IATF Statement
March 16, 2020, nagdeklara si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon, at isinailalim din sa State of Calamity ang buong bansa.
Ang pagdeklara ng Enhance Community Quarantine ay paraan upang mapigilan ang pagkalat ng Coronavirus Disease o COVID-19 dahil mabilis ito dumami. Dahil sa pagdeklara, marami pong Bikolano ang nagsiuwian sa kani-kanilang tahanan.
As of March 19, 2020, 6AM, ang DILG ay nakapagtala ng mahigit sa walompung libo o 80,000 na PUMs or Persons under Monitoring at ang DOH Bicol ay nakapagtala ng pitong Persons Under Investigation (PUIs).
Nangangahulugan na sa buong rehiyon ganyan po kadami ang binabantayan natin sa mga barangay at hospital. Ito ay maaari pang tumaas! Lubha pong nababahala ang Department of Health Bicol at iba pang mga ahensya na nakapaloob sa Bicol IATF.
Isipin po ninyo na doon sa 80,000 na katao na minomonitor ng mga health workers natin sa mga Barangay na galing sa lugar na mayroong local transmission ay posibleng may dala ng virus. Hindi po natin alam sa ngayon kung sino sila, at hindi natin alam sa ngayon kung nakakahawa sila kahit walang mga sintomas.
Base sa 2020 Projected Population ng 2015 POPCEN ng Philippine Statistic Authority, may 6,133,836 na tao ang Bicol Region. Kung susundin ang datos ng WHO noong February 27, 2020, 81% ang maaring magkaroon ng mild symptoms, 14% o mahigit 858,737 ang pwedeng magkaroon ng malubhang sintomas, at 5% o 306,691 na katao ang pwedeng mamatay sa Bicol. Kung hindi tayo susunod sa mga patakaran ng home quarantine, ito po ay maaaring mangyari, sa loob lamang ng mga susunod na araw. Nasa pintuan na natin ang virus. Base sa average na 6.5 na araw na incubation period, ano mang oras, baka magkaroon na tayo ng COVID-19.
Kapag may mga tao na ayaw sumunod o manatili sa kanilang tahanan, lalaki ang posibilidad na magkaroon o dadami ang COVID-19 sa ating rehiyon. Kaya ang lahat po ay inaatasan na sumunod sa patakaran, huwag lumabas kung hindi kinakailangan dahil ang inyong tahanan ay ang pinakaligtas na lugar sa ngayon. Kung lalabas man, kailangang gumamit ng face mask. Subalit, lahat ay kailangan panatilihin ang isang metrong distansya sa bawat isa sa loob man ng bahay o sa labas.
Kung kayo naman ay Persons Under Monitoring o galing sa mga lugar na may local transmission, kailangan niyong manatili sa inyong bahay, at sa isang hiwalay na silid mag-isa. Ang inyong tagapangalaga ay kailangan lamang dalhin ang pagkain sa inyong pintuan, at ihiwalay ang inyong mga kagamitan. Kung kayo ay may nararamdaman na sintomas, makipag-ugnayan sa inyong Barangay Health Emergency Response Teams.
Sumunod po tayo! Tandaan na ang mga taong malapit sainyo, ang inyong mga pamilya, ay ang una ninyong mahahawaan.
Ang inyo pong Department of Health Bicol at iba’t-ibang ahensya ay ginagawa ang lahat para sugpuin ang sakit na ito.
Maraming Health workers, volunteers, social workers, uniformed personnel kasama ang mga gwardya, supermarket attendants or cashiers, mga tao sa food industry, reporters at media, mga barangay workers at iba pa na nagsasakripisyo ng kanilang buhay upang kayo ay maalagaan. Sa kanila ang aking pasasalamat at pagsaludo.
Isipin niyo po kung mga health workers ang magkasakit, sino na ang magaalaga sainyo? Alagaan at pahalagahan po natin sila sa pamamagitan ng pagsunod sa patakaran ng home quarantine.
Hinihingi namin ang inyong kooperasyon, manatili sa inyong mga tahanan, at huwag lumabas kung hindi kinakailangan.
Sa ating mga partner LGUs, salamat sa suporta. Kami po ay patuloy na nananawagan na sundin po natin ang mga patakaran na ibinaba ng ating gobyerno at ipatupad ito sa abot ng ating makakaya. Sama-sama po tayong lahat sa paglaban sa COVID-19.
Maraming Salamat! May God bless us all!


