ABISO SA PUBLIKO <br/ >PATUNGKOL SA PAGTAAS NG ALERT LEVEL STATUS NG BULKANG MAYON
June 9, 2023
Itinaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology – Department of Science and Technology (PHIVOLCS-DOST) sa Alert Level 3 ang status ng Bulkang Mayon. Dahil dito, pinapaalalahanan ng Department of Health Bicol Center for Health Development (DOH Bicol CHD) ang publiko na maging mapagmatyag at mag-ingat sa pagtaas ng mga banta sa kalusugan kaugnay ng alert level status ng Bulkang Mayon.
Ang kasalukuyang pagtaas ng alert level status ng Bulkang Mayon ay maaaring magdulot ng mga banta sa kalusugan tulad ng kahirapan sa paghinga galing sa abo ng bulkan, nakakahawang sakit tulad ng sakit sa baga galing sa abo ng bulkan, pinsala sa katawan, at iritasyon ng mata at balat dulot ng posibleng acid rain.
Ang DOH Bicol CHD ay kasalukuyang naghahanda sa pagtugon sa mga banta sa kalusugan dulot ng mga mapeligrong kaganapan ng Bulkang Mayon. Ang Public Health Preparedness and Response Unit ng DOH Bicol CHD ay naghahanda ng mga kagamitan para sa pag-iwas sa mga banta sa kalusugan na maaaring maidulot ng volcanic hazards ng Bulkang Mayon.
Nananawagan ang DOH Bicol CHD sa publiko na sundin ang mga paalalang pangkalusugan sa pag-iwas sa mga banta ng Bulkang Mayon:
1. Sa Posibleng Ash Fall
- Iwasan ang pagkalantad at paglanghap sa abong ibinuga ng bulkan. Gumamit ng face mask o pantakip sa ilong at bibig.
- Protektahan ang mga mata, gumamit ng salamin o “goggles”.
- Manatili sa loob ng kabahayan at isara ang mga pintuan at bintana.
- Panatilihing basa ang kapaligiran upang maiwasan ang pangangalikabok.
- Panatilihin ang mga alagang hayop sa “closed shelters”.
Alamin ang sitwasyon ng kalsada bago bumiyahe. Sumunod sa mga batas trapiko.
2. Sa Posibleng Lindol ng Bulkan (Volcanic Earthquake)
Bago ang lindol
- Alamin ang mga pinakaligtas at pinakamalapit na labasan o emergency exit sa inyong opisina, gusali, o bahay.
- Alamin kung saan ang mga itinalagang evacuation area at alamin ang pinakamabilis at pinakamalapit na ruta patungo sa evacuation area.
- Alamin ang tamang paggamit ng first aid kit, fire extinguishers at alarm.
- Alamin kung paano patayin ang linya ng tubig, tangke ng gas at circuit breaker.
- Makiisa sa mga drill. Regular na magsanay kung paano lumikas.
Habang lumilindol
- Manatiling kalmado at alerto.
- Sundin ang duck, cover and hold (dumapa, magtago at kumapit).
- Maging alisto sa mga nahuhulog na bagay na maaaring maging sanhi ng pinsala o manatili sa mas ligtas na parte ng kwarto.
- Lumayo sa mga salamin, bintana, pintuan, dingding, at anumang bagay na maaaring malaglag.
- Huwag gumamit ng mga elebeytor.
- Kung nasa labas, pumunta sa open area. Lumayo sa mga matatarik na lugar, gusali, puno, ilaw sa daan, at mga kawad.
- Kung nasa umaandar na sasakyan, huminto muna at huwag tumawid sa mga tulay, overpass o flyover. Iwasan din ang pagtigil malapit sa ilalim ng mga gusali, puno, at mga kawad.
- Kung malapit sa baybayin, mabilis na magtungo sa mataas na lugar.
Pagkatapos ng lindol
- Lumikas. Kapag tapos na ang pagyanig, agad na magtungo sa pinakamabilis at pinakaligtas na labasan.
- Maging updated. I-monitor ang mga pangyayari sa radyo o TV.
- Bago bumalik sa inyong mga tahanan, suriin ang mga sumusunod:
- linya ng tubig
- bitak at sira ng gusali lalo na sa mga dingding/pader
- elektrikal
- iba pang kasangkapan sa bahay
- Huwag gumamit ng mga suwits na elektrikal o mga kasangkapan kapag pinaghihinalaan mong may mga sirang linya ng kuryente. Kung may duda, agad na makipag-ugnayan sa kompanya ng kuryente o local electric company.
- Maghanda sa mga kasunod ng lindol. Lumayo sa mga lugar na may pinsala.
3. Sa Paghanda ng Go Bag. Baunin ang pagkain, tubig, medisina, first aid kit, toiletries, survival kit, teknikal na gamit (safety goggles, face mask, radio, baterya, atbp.), damit, at beddings.